“Book Descriptions: "Para sa isang bansang palagiang dinadalaw at dinidistrungka ng ilampung bagyo taon-taon, hindi ganoong kalimit ang mga akdang nalilikha sa likas na pananalantang ito, kung ihahambing sa mga personal na paksa ng mga manunulat. Ang ginawa ni Barrameda ay ipagsanib ang dalawang ito, ang pananalanta ng bagyo at dinaanang buhay. Hindi niya pinaghiwalay ang bagyo at buhay. Ipinaloob niya sa isa’t isa ang dalawang ito. Mga bagyo ito, ayon na rin sa kanya, na nasa kanyang dibdib. Ang resulta ng pagsasanib ng bagyo at buhay ay isang matulaing pananalinghaga. Ang mga dating nakatago o itinatago, mga hindi kita o ayaw makita, mga hindi batid o ayaw mabatid, pati mga inaakala dahil binubungan o pinaderan ng pansariling agam-agam at paniniwala ay nabuyangyang nang madistrungka ng bagyo ng buhay. Mga realisasyon ang lumantad." —Reuel Molina Aguila, tagapagtatag, Kataga: Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.” DRIVE