“Book Descriptions: Sa nobelang ito nasubok kung may mga bagong talinghaga pang makakatas sa metaratibo at realismo ng daigdig ng subaltern. Ang daigdig na ito ay ang iba’t iba at pinagsama-samang impiyernong pinangyarihan ng sari-saring kahayupan—Dreamland, Red Butterfly, talahiban ng Hagonoy, at kung saan-saang pribadong espasyo. Ang mga impiyernong ito ay nagpaparusa nang perpetuwal at paulit-ulit sa mga tauhan. Ang mga ito ang kani-kanilang selda. Itinuturo sa atin ng nobela kung paano takasan ang mga impiyernong ito. Ang pag-alpas ay nagmumula sa sariling pagkukusa, tulad ng katarsis ng isa sa mga tauhan, nang maisip niyang, “Ang lansang namamayani sa solo kong selda'y walang dudang sa'kin nagmumula.”
- Mark Angeles, Patikim, Emotero, Threesome
Pagkatapos basahin, sunugin ang librong ito. Kumuha ng gasolina, ibuhos sa mga establisyimento't institusyon, at ibato ang sumiksiklab na nobela sa bunganga ng awtoridad.
- Albert Cornejo, FEU Writers Guild
Pipi raw ang subaltern, sabi ng intelektuwal na si Spivak. Ngunit sa unang nobela ng Ungazpress, makikitang napino na ang artikulasyon ng bokabularyong 'looban.' Maraming aalma sa dahas at karumal-dumal na kadugyutan nito. Ngunit may sakit ang lipunan, at narito ang ilang sintomas.