Sa Makinilyang Altar, hinahabi ni Sicat-Cleto sa pamamagitan ng sinulid ng wika ang isang malaki at masalimuot na ginantsilyong mantel, isang mantel ng Buhay, Kamatayan at Pagkabuhay, na nagsisilbing panlambong sa altar na kinapapatungan ng talong Makinilya: ang Makinilya ng kaniyang ama, ang Makinilya niya, at ang Makinilya ng manunulat na Filipino. Baligtaran itong mantel: isang elehiya at isa ring awit na papuri sa amang nabuhay at yumao at muling nabuhay (sa kaniyang pagiging isang manunulat din). Datapwat, ang sinulid na gamit ni Sicat-Cleto ay hindi itim ng pagluluksa kungdi mga kulay ng agaw-dilim, kung saan ang araw ay dikit pa bagamat lutang na ang buwan. Di matingkad ang mga kulay pagkat pigil ang kaniyang mga damdamin: pinili niya ang katotohanan ng pagiging tagamatyag pagkat ilang ulit nang napaso ng pagiging emosyonal ng ama. Gayunpaman, ang kariktan ng kabuuan, di man bunga ng pinagtabi-tabing mga kulay, ay bunga ng ugnayan ng liwanag at ng mga anino. Kung si Rogelio Sicat ay ang araw, si Luna Sicat-Cleto ay ang buwan.