“Book Descriptions: "Nagliliwanag na ang langit; binabalangkas ng mga pilak na liwanag ang mga bubungan. Nang sumikat ang buwan at bahain ng mainit na liwanag ang walang kagalaw-galaw na plasang punong-puno ng tao, huminto sa paghagulgol ang mga babaeng nakaitim na belo at isang batang babae ang lumapit at nagtanggal sa talukbong ng Tadtarin na nagmulat ng mata at naupo, iniharap ang mukha sa liwanag ng buwan. Tumindig siya at iniangat ang baston at ang mga binhi at nakisaliw ang mga babae sa pamamagitan ng isang malakas na paghiyaw. Tinanggal at iwinagayway nila ang kanilang mga alampay, nagpaikot-ikot at nagsimulang magsayawan muli—humahalakhak, umiindak nang may galak at pananabik...
"Ikinusot ng mga babae ang mga kamay niya sa kaniyang buhok at nagtatarang, lumugay ang kaniyang buhok. Namaywang siya pagkatapos, nag-umpisang humakbang-hakbang nang maliliit, isang likas na katutubong pag-indak. Pabaliktad na itinikwas niya ang kaniyang ulo, at namukadkad ang kaputian ng kurba ng kaniyang leeg. Natigib ng liwanag-buwan ang kaniyang mga mata, ng halakhak ang kaniyang bibig."” DRIVE