“Book Descriptions: "Simple, kumbersasyonal ang tono, may mga paksang karaniwan ngunit nilapitan sa di pangkaraniwang istilo, ngangayunin subalit panghabampanahon; partikular ang tuon pero unibersal ang mga tema--ito ang koleksiyong Mga Pilat sa Pilak: Mga Personal na Sanaysay ni Eugene Y. Evasco. Sa katipunang ito, hubad at hayag si Eugene--sa pagitan ng mga inya; sa ilalim at ibabaw ng mga paksa. Malayong malapit, malawak na makitid...dito nakatatak ang iba't ibang piraso ng kaniyang kasaysayan."
--Dr. Ruth Elynia S. Mabanglo, Palanca Hall of Fame 1995
"Naiaakay tayo ng koleksiyon ng sanaysay ni Eugene Y. Evasco sa iba't ibang yugto ng kaniyang buhay: bilang kabataan, bilang may gulang. Bilang anak, bilang kapatid. Bilang mangingibig. Bilang kolektor ng mga selyo. Bilang masugid na manlalakbay ng mga museo, lansangan, palengke. Bilang manlalambat ng mga salita. Bilang espektador ng boksing, away ng kapitbahay, pag-aagaw buhay, at iba pang lirikal na usbong ng buhay na puno ng kontradiksiyon. Sumasalok ang koleksiyong Mga Pilat sa Pilak: Mga Personal na Sanaysay hindi lamang sa personal na balon ng karanasan, kundi sa pag-alam din ng karanasang nalanguyan, o nilalangoy ng nakararami. Tunay, hindi nagsusulat si Evasco para maging mensahero lamang. Isa siyang personang nakababatak ng diwa, ng luha, ng bungisngis, at ng pagmumuni."
--Dr. Luna Sicat-Cleto, premyadong mandudula at nobelista” DRIVE